Wednesday, December 18, 2013

KAUNTI NA LANG


Kaunti na lang...

Sa unang liwanag ng umaga, kapag sumilip na ang araw sa likod ng bawat ulap
Kapag umihip na ang maitim na usok na iyong nalalanghap
Sa abalang kalsada; sa abalang istruktura ng mga naglalakihang gusali ng syudad
Sa bawat taong makakasalamuha
Na paminsan-minsa'y hahaplos sa buhay ng kagaya mong isang mahinang luwad

Saan na nga ba napunta ang mga salitang ipinangako mo sa iyong sarili nang
minsang nag-iisa ka
Sa gabi; matapos ang huli mong panalangin nang hindi namamalayang
malapit na palang mag-umaga
Nang minsan mong sabihing matatag ka sa bawat nilalang na magtatangka
Na kunin ka mula sa iyong sarili;
Ano na nga ba ang nangyari?
Sa natitira mong kaisipan; sa sinasabi ng mga taong taglay mong katalinuhan;
Nang minsan mo itong kalimutan sapagkat lahat ay walang katuturan;
Dahil ang totoo... wala kang natutunan















Kaunti na lang...

Sa bawat taong magpupumilit sa sumalba sa iyo...
Na paulit-ulit mong itinutulak palayo
Sa bawat taong magtatangkang alalayan ka hanggang bukas ay masilip mo
ang isang bagong umaga
Palayo sa mundong pilit mong itinatago
sa sarili mong kulungan ng mga bagay na lumalago
Upang lamunin ka;
Upang lamunin ka ng sarili mong takot na muli kang maging mahina
At mawala sa sarili mong tuntungang kaharian; kung saan ikaw ang bida;
Ikaw ang reyna; ikaw ang pinuno

Nang makuha mo ang mga bagay na iyo mismong may katalinuhang isinaplano
Ng mga bagay na ikaw mismo ang mag-gawa,
Ikaw mismo ang may-akda, ikaw mismo ang nagpasimula
Nang matapos mong paikutin ang mga bagay sa iyong kamay,
At paburan ka ng lahat ng pagkakataong iyo mismong inihanda
Para sa iyong sariling pakana
Ano nga ba ang naramdaman ng walang-awang parte ng sarili mo
Sa lahat ng mga bagay na ito?

Kaunti na lang...

Tatalikuran ka ng lahat ng iyong panaginip;
Sasampalin ka ng katotohanan hanggang magising ka
Sa isang lugar kung saan wala kang kakapitang pag-asa
Ikaw ang lumikha ng sarili mong libingan at hindi magtatagal,
Sa iyong kinatatayuan, ika'y matatanggal
At walang magbabalik upang damputin ka sa kumunoy na nilikha mo
para sa iyong sariling paglubog
At sa pagbalik ng buwan sa Kanluran,
Ikaw ay maiiwan
Kasama ng iyong pusong ikaw mismo ang dumurog

No comments:

Post a Comment